Naipresenta na sa plenaryo ng Senado ang panukalang palawigin pa ng dalawampu’t limang taon ang prangkisa ng Intercontinental Broadcasting Corporation (IBC13).
Sa kanyang sponsorship speech para sa House Bill 6505, binigyang-diin ni Senate Committee on Public Services chairman Senador Raffy Tulfo na mahalaga ang papel ng IBC 13 sa national development, disaster preparedness, pag-analisa ng consumer behaviour, paghubog ng opinyon ng publiko at sa pangangalaga ng kultura ng Pilipinas.
Nakakatulong rin aniya ang network sa paglaban sa fake news at disinformation.
Ayon kay Tulfo, sa pamamagitan ng pagpapalawig ng prangkisa ng IBC ay mabibigyang kapasidad ang network na i-reformat ang digital capacity nito at magpatupad ng bagong teknolohiya pagdating sa broadcasting.
Kabilang sa salient features ng panukalang ito ang pagmamandato sa IBC13 na maglaan ng libreng airtime para sa pagseserbisyo publiko, partikular sa pagbibigay ng libreng oras sa mga executive, legislative at judicial branches ng gobyerno gayundin ang mga constitutional commissions at international organizations na makapaghatid ng mahalagang impormasyon sa publiko.
Minamandato rin ang network na maglaan ng hindi bababa sa fifteen percent ng daily airtime nito para sa mga child-friendly shows, gumawa ng mga employment opportunities at tumanggap ng mga on-the-job trainees.
Nakatakdang mag-expire ang prangkisa ng IBC13 sa September 2025 pero kung maaaprubahan ang panukala ay mapapalawig ito hanggang taong 2050.| ulat ni Nimfa Asuncion