Hindi pinaboran ng Second Division ng Commission on Elections (Comelec) ang petition na ipa-disqualify si dating Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Erwin Tulfo bilang kinatawan ng ACT CIS Party-list.
Sa inilabas na desisyon ng Comelec, sinabi nitong walang basehan ang petisyon ng isang Atty. Moises Tolentino para huwag payagan makaupo si Tulfo bilang mambabatas.
Sinabi ni Atty. Tolentino sa Comelec, hindi daw dapat payagan maupo ang dating kalihim dahil kwestiyunable ang citizenship nito, at nagkaroon ng conviction sa kanyang mga kasong libel.
Pero ang argumento ni Tolentino ay hindi pinakinggan ng komisyon, dahil sa kabiguan ng petitioner na maglabas ng mga ebidensya.
Dahil dito, binibigyan ng limang araw ang petitioner para maghain ng kanyang motion for reconsideration.
Kung mabibigo daw itong magsumite ng motion for reconsideration ay maglalabas ang Comelec ng finality sa desisyon, at bibigyan ng Certificate of Proclamation ang dating DSWD Secretary, para siya ay makaupo bilang kinatawan ng ACT CIS Party-list sa Mababang Kapulungan ng Kongreso. | ulat ni Michael Rogas