Naglabas ng listahan ng mga pinapayagang at ipinagbabawal na paputok at pyrotechnics ang Police Regional Office 5 bilang paghahanda sa mga pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Nagsagawa ng 4th Quarter Regional Law Enforcement Coordinating Committee meeting ang PNP Bicol sa pangunguna ni Regional Director PBGen Andre P. Dizon sa kampo nito sa Legazpi City, Albay, ngayong araw.
Ayon sa PNP Bicol, ang mga patnubay ay batay sa Republic Act (RA) 7183 na nagtatakda ng mga regulasyon sa pagbebenta, paggawa, at paggamit ng mga paputok.
Kasama sa mga pinapayagang paputok ang Butterfly, Fountain, Jumbo Regular at Special, Luces, at Sparklers, habang ang mga ipinagbabawal naman ay kinabibilangan ng Watusi, Piccolo, Super Lolo, five star, pla pla, atomic bomb, Bin Laden, boga, at iba pang malalaking paputok.
Kasabay ng pinaigting na kampanya laban sa mga ipinagbabawal na paputok, nakatakdang magbigay ng listahan ang PNP Bicol sa mga negosyante upang masala ang mga paputok na hindi maaaring ibenta sa merkado.
Hinimok din ng PNP Bicol ang publiko na gumamit na lamang ng mga alternatibong pang-paingay tulad ng torotot sa pagsalubong ng bagong taon.
Sa ngayon, patuloy ang pagpapalakas ng mga hakbang ng PNP Bicol para sa kaligtasan ng publiko upang mapigilan ang mga krimen at mapanatili ang kaayusan ngayong panahon ng Kapaskuhan at sa darating na bagong taon. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay