Hindi pa rin tumitigil ang Social Security System (SSS) sa pagkakasa ng Run After Contribution Evaders (RACE) Campaign para paalalahanan sa kanilang obligasyon ang ilang delinquent employers.
Sa operasyon ngayong araw, anim na employer sa Quezon City ang inisyuhan ng notices of violation ng SSS.
Kinabibilangan ito ng isang taxi company, marketing agency, contractor, clinic, Analytics solution provider at isang E-commerce.
Ayon sa SSS, sumampa na sa P1.7-M ang hindi nabayarang kontribusyon ng mga naturang employer. Katunayan, apat sa mga ito, ang hindi nagbabayad ng kontribusyon mula pa noong 1998.
Dahil dito, apektado ang monthly contributions ng nasa 220 empleyado.
Kasunod nito, nagpaalala ang SSS sa lahat ng mga negosyo na huwag talikuran ang obligasyon para sa tiyak na benepisyo ng kanilang mga manggagawa.
Hinikayat din ng SSS ang mga manggagawa na ireklamo ang kanilang mga employer na hindi naghuhulog ng kanilang kontribusyon. | ulat ni Merry Ann Bastasa