Welcome kay National Police Commission (NAPOLCOM) Commissioner Rafael Vicente Calinisan ang inilabas na direktiba ng National Police Region Police Office (NCRPO) sa Southern Police District (SPD) para sa administrative investigation kaugnay ng kaso ng dalawang mag-asawang pulis na sangkot sa pagpatay sa isang police sergeant sa Taguig City noong nakaraang buwan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Calinisan na bagamat maaaring magkasa ng sariling motu propio investigation ang NAPOLCOM sa isyu, tiwala ito sa liderato ni NCRPO Chief General Aberin na magiging patas ito sa pagtukoy ng katotohanan sa insidente.
Naniniwala rin itong sa pamamagitan ng tamang proseso, ay mapapanagot ang mga responsable sa krimen.
“In plain and simple terms, we trust that our police force, through its regular proceses, can hold the responsible policemen criminally and administratively liable.”
Patuloy rin aniya ang maayos na ugnayan ng NAPOLCOM at PNP sa kaso at umaasa itong makikita na ang resulta ng administrative investigation sa lalong madaling panahon.
Una nang sinabi ng SPD na irerekomenda nito ang pagsibak sa serbisyo sa mag-asawang pulis na suspek sa pagpatay kay PEMS. Emmanuel De Asis. | ulat ni Merry Ann Bastasa