Inaprubahan na ng Bicameral Conference Committee ang reconciled version nila ng panukalang pambansang pondo para sa susunod na taon o ang 2025 General Appropriations Bill (GAB).
Ayon kay Senate President Chiz Escudero, ginawa ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang lahat para magamit ng husto ang resources ng pamahalaan nang naaayon sa plano ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Ipinaliwanag ng Senate leader, na ang ibig sabihin nito ay binigyang daan nilang magawa ang mga ipinangako ng punong ehekutibo at ang kanyang plano sa bansa.
Iginiit rin ni Escudero, na hindi perpekto ang budget na nabuo ng bicam.
Hindi rin aniya maiiwasang magbawas ng pondo sa ilang ahensya para madagdagan ang mga dapat madagdagan.
Ibinida naman ni Senate Committee on Finance Chairperson Senadora Grace Poe na tinaasan nila ang pondo para sa ilang sektor kabilang ang health, education, disaster response, defense, justice, transportation at infrastructure. | ulat ni Nimfa Asuncion