Hinihintay na lamang ang desisyon ng Pasig Regional Trial Court kaugnay ng petisyon ng kampo ni dismissed Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo na makapagpyansa sa kasong qualified human trafficking.
Ayon kay Atty. Nicole Jamilla, abogado ni Guo, naihain na ang kanilang “petition for bail” at “submitted for resolution” na ito matapos ang pagpi-presenta ng prosecution ng ebidensiya upang kontrahin ang kanilang hiling.
Sa ambush interview sa Pasig RTC, iginiit ni Jamilla, walang sapat na basehan ang paratang para ituring na non-bailable offense ang kaso laban kay Guo, na iniugnay sa umano’y pagkakasangkot sa ilegal na POGO sa Bamban.
Samantala, nangangamba aniya si Guo na magdiwang ng Pasko sa loob ng kulungan sakaling hindi pa mailabas ang desisyon.
Sa kabila nito, regular pa rin siyang binibisita ng mga kaanak at kaibigan habang nakapiit sa Pasig Female Dormitory. | ulat ni Diane Lear