Inanunsyo ngayon ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System Regulator Office ang ipatutupad na dagdag singil sa tubig para sa mga customer ng Maynilad at Manila Water na magiging epektibo simula sa January 1, 2025.
Sa ilalim ng inaprubahang rate adjustments, ang mga customer ng Maynilad na kumukonsumo ng mas mababa sa 10 cubic meter kada buwan o mga low income lifeline customers, ay magkakaroon ng dagdag na P10.56 sa kanilang water bill, dagdag na P20.08 naman sa regular lifeline customers, P75.89 din ang dagdag sa buwanang singil para sa kumukonsumo ng 20 cubic meter kada buwan, habang may adjustment na P155.53 naman sa mga customer na may konsumong 30 cubic meter kada buwan.
Sa Manila Water naman, nasa P2.87 ang dagdag sa mga low-income lifeline customers, dagdag na P24.68 sa mga regular residential o kumukonsumo ng 10 cubic meter kada buwan, dagdag na P54.79 naman sa buwanag singil para sa kumukonsumo ng 20 cubic meter kada buwan, habang may adjustment na P111.83 naman sa mga customer na may konsumong 30 cubic meter.
Paliwanag ni MWSS RO Chief Regulator Patrick Lester N. Ty, inaprubahan ang dagdag singil para mapabilis ang capex spending o mga proyekto ng Maynilad at Manila Water na nakatutok sa pagpapaganda ng kanilang mga serbisyo sa publiko.
Sa kabila nito, mananatili pa rin naman aniya ang enhanced lifeline program para sa mga mahihirap gaya ng 4Ps beneficiaries nang magkaroon ng diskwento sa kanilang water bill.
Sa ilalim nito, hanggang P274.53 ang maaaring diskwento sa bill para sa mga kumukonsuno ng 20cu.m sa mga lifeline customer ng Manila Water, habang mula P30.55-P305.90 naman ang diskwento para sa mga customer ng Maynilad.
Kaya naman, hinikayat nito ang mga consumer na magparehistro sa lifeline program ng dalawang concessionaire.
Tiniyak din ng MWSS Regulatory Office na patuloy na tututukan ang mga proyekto ng dalawang kumpanya para maiwasan ang pagkakaroon ng krisis sa tubig sa 2025.
| ulat ni Merry Ann Bastasa