Ibinahagi ng Philippine Statistics Authority (PSA) Bicol na umabot na sa limang milyong Bicolano ang nakapagparehistro sa Philippine Identification System (PhilSys) simula nang ilunsad ito noong 2021.
Katumbas ito ng 98.19% ng target na 5,093,083 residente sa anim na probinsya ng rehiyon.
Naitala sa probinsya ng Camarines Sur ang may pinakamaraming nagparehistro na umabot sa 1.6 milyong indibidwal. Sumunod ang Albay na may 1.1 milyong indibidwal at Masbate na may mahigit 827,000 indibidwal.
Sa datos ng PSA Bicol noong Nobyembre ngayong taon, pumalo na sa 3.1 milyon ang National ID cards na naipamahagi sa mga residente.
Gayunpaman, patuloy na isinasagawa ng PSA Bicol ang kanilang mga programa upang mahikayat ang ilan pang mga residente na magparehistro sa PhilSys. Kabilang na rito ang Mobile Registration Program at ang PhilSys-on-wheels Program, gayundin ang pakikipagtulungan sa Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sa ngayon, nananatiling bukas sa publiko ang pagpaparehistro para sa National ID. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay