Ipagpapatuloy ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) at Japan International Cooperation Agency (JICA) ang kanilang kooperasyon para sa Phase 2 ng Credit Risk Database (CRD) project na naglalayong mapalawak ang akses ng maliliit na negosyo (SMEs) sa financing.
Kamakailan, nilagdaan nina Governor Eli M. Remolona, Jr. at Chief Representative ng JICA Philippines Office na si Sakamoto Takema ang ‘Records of Discussion’ para sa ikalawang yugto ng proyekto.
Layunin ng kasunduan na gawing permanenteng operasyon ang CRD, magdagdag ng mga bagong serbisyo, at ilatag ang mga susunod na hakbang para sa proyekto.
Ang CRD ay isang sistema na nagbuo ng credit score na ginagamit ng mga financial institution upang masuri ang kakayahan ng SMEs na magbayad ng utang.
Ayon kay Governor Remolona, habang tinatapos na ang Phase 1 ay sinisimulan na ng Phase 2 ng CRD project upang mapapanatili ang momentum at matulungan ang SMEs at mapabuti ang kalidad ng buhay ng mga Pilipino.
Sinabi naman ni Chief Representative Takema, mahalaga ito sa tagumpay ng proyekto at sumasalamin sa tiwala ng BSP at JICA para sa masaganang at inklusibong pag-unlad ng Pilipinas sa pamamagitan ng CRD. | ulat ni Melany Reyes