Nakikipag-ugnayan ngayon sa California Sheriff Department ang Konsulada ng Pilipinas sa Los Angeles upang alamin kung mayroong mga Pilipino o Filipino American na apektado ng tumitinding wildfire sa Franklin, Malibu, Los Angeles, California.
Nagpaalala ang konsulada sa mga Pinoy at Fil-Am malapit sa wildfire na sumunod sa mga alituntunin at magsilikas kung kinakailangan.
Batay sa ulat, patuloy ang paglawak ng wildfire sa hilagang kanlurang bahagi ng Los Angeles County.
Nagbabanta itong makapinsala lalo na sa mga residente kasama na ang malaking bilang ng mga Pinoy na naninirahan sa lugar.
Umaabot sa 13,000 residente ang kasalukuyang nasa ilalim ng evacuation orders.
Mahigit 12,000 ektarya na ang natupok ng wildfire at tulong-tulong na inaapula ng 1,500 mga bombero.
Nanawagan ang konsulada ng Pilipinas sa Los Angeles sa mga apektadong Pinoy na makipag-ugnayan sa tanggapan nito o tumawag sa 911 o sa Los Angeles County Fire Department Public Information Office (323) 881-2411 para sa mga nangangailangan ng agarang tulong. | ulat ni Bea Gaza-De Guzman | Radyo Pilipinas World Service