Ipinawalang-sala ng Pasig City Regional Trial Court Branch 161 si Janet Lim Napoles kaugnay sa kasong ‘Corruption of Public Officials’ na may kinalaman sa pork barrel scam.
Sa desisyon ng korte noong March 27, 2023 pero ngayon lamang inilabas sa media, pinaburan ng korte ang Petition for Demurer to Evidence ng kampo ni Napoles.
Ito ay dahil hindi nakapagpakita ng sapat na ebidensya ang prosekusyon para idiin si Napoles sa naturang kaso.
Bukod dito, sa simula pa lamang ng pagdinig ay nagkaroon na daw ng duda ang korte sa mga testimonya ng testigo na si Benhur Luy kaugnay sa mga Non-Government Organization na iniuugnay kay Napoles.
Nabigo si Luy na tukuyin sa pagdinig ng korte kung anong mga NGO at bank accounts ang siyang pinaglagyan ng pondo mula sa Priority Development Fund.
Hindi rin tinanggap ng korte ang iprinisenta ng prosekusyon na Daily Disbursement Reports ni Luy para patunayan ang umano’y kickbacks, commission at rebates na ibinigay kina Cong. Douglas Cagas at Cong. Salacnib Baterina.
Naniniwala ang abogado ni Napoles na si Atty. Ronnie Garay, dahil sa pagkakabasura ng kasong Corruption of Public Officials ay maaari nila itong gamitin sa natitira pang kaso ng kanyang kliyente.
Sa ngayon, mayroon pang 29 na kaso si Napoles sa mga korte sa bansa kabilang na dito ang limang plunder at 24 na Graft at Malversation of Public Funds.
Una ng ibinasura ng Sandiganbayan noong nakaraang linggo ang 16 counts ng graft dahil sa kakulangan ng ebidensya at kabiguan ng prosekusyon na idiin si Napoles. | ulat ni Michael Rogas