Ngayong Lunes, December 16, patuloy na nakaaapekto ang shear line sa silangang bahagi ng Southern Luzon, habang ang Northeast Monsoon o Amihan ay umiiral sa natitirang bahagi ng Luzon. Samantala, naapektuhan ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) ang Mindanao, ayon sa PAGASA.
Ang rehiyon ng Quezon, Marinduque, Oriental Mindoro, at Bicol ay makararanas ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at pagkulog dulot ng shear line. Pinapaalalahanan ang publiko na mag-ingat sa posibleng pagbaha o pagguho ng lupa bunsod ng katamtaman hanggang sa malalakas na ulan.
Samantala, ang Silangang Visayas, Gitnang Visayas, Hilagang Mindanao, SOCCSKSARGEN, Caraga, at Davao Region ay inaasahang magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na ulan at thunderstorms dahil sa ITCZ. Ang parehong babala para sa pagbaha at pagguho ng lupa ay umiiral.
Sa Cagayan Valley, Cordillera, at Aurora, maulap na may ulan ang inaasahang dulot ng Amihan, habang ang Metro Manila at natitirang bahagi ng Luzon ay makararanas ng bahagyang maulap na kalangitan na may mahihinang ulan na walang malaking epekto.
Maging alerto rin sa mahihirap na kondisyon sa dagat sa hilaga at gitnang Luzon kung saan malalakas ang hangin at maalon. | ulat ni Emmanuel Bongcodin | RP1 Albay