Kinumpirma ng pamilya ni Mary Jane Veloso na inilipat na siya ng Indonesian Authority sa Jakarta, Indonesia mula sa kanyang piitan sa Yogyakarta.
Sa isang pahayag ng pamilya ni Veloso, inabisuhan daw sila ng Indonesian Authority na dinala siya sa Main Capitol upang simulan ang proseso ng mga dokumento ng pagpapa-uwi sa kanya sa Pilipinas.
Nakatakda sanang magtungo ng Indonesia ang kanyang mga magulang para bisitahin doon subalit hindi na nila itinuloy dahil inilipat na siya ng kulungan.
Maghihintay na lamang daw ang pamilya Veloso dito sa Pilipinas para sa kanyang pagbabalik.
Una nang sinabi ng Department of Justice (DOJ) na posibleng bago mag-Pasko ay mailipat na ng piitan si Veloso mula Indonesia patungong Pilipinas.
Noong nakaraang linggo, nagtungo ang mga kinatawan ng DOJ at lumagda sa isang kasunduan sa Indonesian Ministry for Law, Human Rights, Immigration and Correction para sa kustodiya ni Veloso. | ulat ni Mike Rogas