Nanawagan si DSWD Secretary Rex Gatchalian sa publiko na iulat ang mga insidente ng pagbebenta ng pekeng PWD IDs sa National Council on Disability Affairs (NCDA), na attached agency ng DSWD.
Ito ay sa gitna ng isyu ng mga naglipanang pekeng PWD ids.
Batay sa NCDA Administrative Order No. 001, Series of 2008, ang mga PWD ID ay eksklusibong ibinibigay lamang sa mga indibidwal na may permanenteng kapansanan at mga indibidwal na may kapansanang dulot ng mga sakit na lubhang nakakaapekto sa mga pang-araw-araw na gawain.
Sa isang pahayag, ipinaalala ng DSWD na itinuturing na paglabag sa ilalim ng Revised Penal Code ang paggawa at paggamit ng pekeng dokumento at IDs.
Maaari namang ireport ang mga mga patuloy na gumagawa, nagbebenta, at gumagamit ng pekeng PWD IDs sa pamamagitan ng email na [email protected], sa Persons with Disability Affairs Office (PDAO), o sa anumang law enforcement agencies.
Una nang nakipagpulong sa stakeholders si DSWD Sec. Gatchalian para sa pagbuo ng isang unified ID system na maaaring gamitin para sa real-time updating at ID verification ng mga establisimyento. | ulat ni Merry Ann Bastasa