Nilagdaan noong December 12, 2024, ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office V – Bicol Region, Educo Philippines, at limang munisipalidad—Caramoran (Catanduanes), Manito (Albay), Donsol, Pilar, at Castilla (Sorsogon)—ang isang Memorandum of Agreement (MOA) upang palawakin ang Project SAGIP ng Educo. Ang proyektong ito ay isang replika ng SHIELD Against Child Labor Program ng DSWD na layong tuldukan ang child labor sa rehiyon.
Itinatampok ng estratehikong partnership ang sama-samang layunin ng mga kasapi upang protektahan ang mga batang nasa panganib at tugunan ang mga ugat ng child labor sa pamamagitan ng komprehensibong mga hakbang sa pag-iwas, rehabilitasyon, at pagpapalakas ng komunidad.
Sa pagtutulungan ng mga lokal na pamahalaan, pambansang ahensya, at Educo Philippines, ang programang ito ay nagsisilbing malaking hakbang patungo sa paglikha ng mas ligtas na kapaligiran at pagpapalaganap ng pangmatagalang pagbabago para sa mga bata sa mga munisipalidad na ito. | ulat ni Emmanuel Bongcodin | RP1 Albay