Nagkasundo ang Department of Human Settlements and Urban Development (DHSUD) at ang Unibersidad ng Pilipinas (UP) para sa pagpapatayo ng housing units sa ilalim ng Pambansang Pabahay para sa Pilipino (4PH) program ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
Isang Memorandum of Understanding (MOU) ang nilagdaan na ni DHSUD Secretary Jose Rizalino Acuzar at UP President Angelo Jimenez para sa proyekto.
Sa ilalim ng kasunduan, ipinahayag ng UP Management ang kanilang kagustuhan na makilahok sa housing program ng pamahalaan.
Nangako naman ang DHSUD na pabilisin ang pagtatayo ng pabahay sa loob ng UP Diliman.
Ang mga benepisyaryo ng pabahay ayon sa ahensya ay mga kwalipikadong faculty at staff ng unibersidad.
Sabi pa ni Acuzar, magbibigay din ang departamento ng subsidy sa interes ng end user para sa mga benepisyaryo. | ulat ni Rey Ferrer