Kumpiyansa si Senador JV Ejercito na hindi magtataas ang premium o kontribusyon na hihingin mula sa mga miyembro ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) kahit pa hindi ito binigyang ng subsidiya sa ilalim ng inaprubahang 2025 national budget bill ng Kongreso.
Ayon kay Ejercito, mas dapat pa ngang babaan ang kontribusyon ng mga PhilHealth members dahil sa dami ng pera ng state health insurer.
Idinagdag rin ng senador na sa kanyang amyenda sa universal health care (UHC) law, ay ibababa pa sa 3.25% hanggang 4% ang kontribusyon ng mga miyembro mula sa 5%.
Isa rin aniyang tinututukan niya ngayon ay maitaas at mapalawak ang benepisyo ng mga PhilHealth members para maramdaman ito ng mas maraming mga Pilipino.
Sa kabila nito, aminado si Ejercito na nananatiing legal na kwestiyon ang zero-subsidy ng Kongreso sa PhilHealth sa susunod na taon.
Ito lalo na aniya’t may mga batas ang bansa na nagtatakda na bahagi ng nakokolektang sin tax ng pamahalaan ay dapat sa PhilHealth lang mapunta at hindi pwedeng gamitin sa ibang bagay. | ulat ni Nimfa Asuncion