Nilinaw ni National Security Adviser at National Security Council (NSC) Director General, Secretary Eduardo Año na hindi pagpapakita ng pwersa ang paglalagay ng mga navigational marker sa West Philippine Sea.
Sa isang statement, sinabi ni Año na ang hakbang ay bahagi ng pagkilos ng isang “sovereign nation” sa pagtupad ng obligasyon nito sa International Law.
Paliwanag ni Año, bilang isang “maritime nation” obligasyon ng Pilipinas na tiyakin ang navigational safety sa karagatang sakop ng bansa, hindi lang para sa mga barko ng Pilipinas, kundi maging sa mga sasakyang pandagat ng mga kalapit bansa.
Mula noong nakaraang taon pa aniya nagsimulang maglagay ng navigational buoy sa West Philippine Sea ang Philippine Coast Guard, at mahigit isang taon nang nakapwesto ang limang bouy sa bisinidad ng Lawak, Likas, Parola, at Pag-asa islands.
Noong nakaraang linggo, 4 na barko ng PCG at isang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang naglagay ng 5 cardinal mark buoys sa Philippines’ Exclusive Economic Zone (EEZ).
Ayon kay Año, ang mga buoy na ito ay palatandaan ng ligtas na daanan, upang hindi sumadsad sa mababaw na bahagi ng karagatan ang mga sasakyang pandagat, at magsisilbing simbolo ng “sovereign rights” ng Pilipinas sa kanyang EEZ. | ulat ni Leo Sarne