Nasa kustodiya na ng Kamara si dating Mandaluyong Police Chief na si Col. Hector Grijaldo.
Ayon kay House Quad Committee Overall Chair Robert Ace Barbers, December 14 nang madetine sa detention facility ng Kamara si Grijaldo.
Matatandaan na sa ika-13 pagdinig ng Quad Committee ay pinatawan ng contempt at ipina-aresto si Grijaldo dahil sa apat na beses na hindi pagsipot.
Naka-confine aniya sa ospital si Grijaldo matapos operahan dahil sa rotator cuff syndrome at hiniling umano nito na ma-hospital arrest.
Ngunit hindi aniya siya pinayagan dahil batay na rin sa assessment ng doktor ng Kamara at maging ng Philippine National Police (PNP) ay nakakalakad naman ito at hindi kailangang ma-confine.
Noong dumalo si Grijaldo sa pagdinig sa Senado ay sinabi niyang pinilit siya nina Co-Chairs Benny Abante at Dan Fernandez na patotohanan ang affidavits ni dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) General Manager Royina Garma hinggil sa reward system sa war on drugs ng administrasyong Duterte.
Mula noon ay hindi na siya humarap sa Quad Committee. | ulat ni Kathleen Jean Forbes