Bilang bahagi ng mandato na maabot ang bawat sulok ng bansa, opisyal na muling umere ang People’s Television Network, Inc. (PTNI) sa Legazpi City, Albay noong Lunes, December 16, matapos ang pitong taon.
Pinangunahan ni PTV General Manager Antonio Nebrida Jr., kasama sina Legazpi City Mayor Alfredo Garbin Jr., Albay Acting Governor Glenda Ong Bongao, at iba pang opisyal ng lalawigan ang pagsasagawa ng inagurasyon ng nasabing istasyon.
Ayon kay Network General Manager Nebrida, layunin nitong maghatid ng mga napapanahon at mahalagang balita mula at para sa mga Bicolano. Gayundin, magbibigay ito ng mga lokal na programa na nakatuon sa mga kwento, kultura, at mga tagumpay sa antas ng mga mamamayan at bibigyan ang mga Bicolano ng plataporma upang mapansin at marinig.
Dagdag ni Nebrida, gampanin din nitong alisin ang mga haka-hakang impormasyon, maritesan, at fake news patungkol sa pamahalaan.
Sa pagbabalik ng presensya ng network sa Legazpi, binigyang-diin ni Nebrida na ang estasyon ay magiging isang “premiere training ground” para sa mga susunod na henerasyon ng mga mamamahayag at mga teknikal na propesyonal.
Ang PTV-8 Legazpi ay umere mula 2010 hanggang 2017 at pinapatakbo ng isang pribadong counterpart. Nagsimula ang konstruksyon ng transmitter center noong March 2022 gamit ang pondong aabot sa mahigit P34-M, matapos lagdaan ang isang memorandum of agreement sa pagitan ng Misibis Land Incorporated at PTV. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay