Sa pakikipagtulungan sa Office of the Presidential Adviser on Peace, Reconciliation, and Unity (OPAPRU), nagsagawa ng profiling activity ang DSWD para sa ilang decommissioned Private Armed Groups (PAGs) sa Tawi-Tawi.
Layon nitong mangalap ng mga datos upang mabatid ang pangangailangan ng mga dating miyembro ng PAGs at kung anong tulong at interbensyon ang nararapat na ihatid ng gobyerno para sa kanila.
Ayon kay DSWD Asst. Secretary Arnel Garcia, kabilang sa lumahok sa profiling activity ang walong PAGs mula sa Simunul at Panglima Sugala, Tawi-Tawi.
Binigyang-diin ni Asst. Secretary Garcia, na siya ring concurrent Officer-In-Charge (OIC) ng Peace and Development Buong Bansa Mapayapa – National Program Management Office (NPMO), na ang nasabing inisyatibo ay bahagi ng pagsisikap ng pamahalaan na mapabuti ang kalagayan ng mga dating miyembro ng PAGs at muling manumbalik sa normal ang kanilang pamumuhay. | ulat ni Marry Ann Bastasa