Nananatiling avian o bird flu-free ang lalawigan ng Albay, ayon sa Albay Veterinary Office (AVO).
Sa kabila ng isang naitalang kaso ng Highly Pathogenic Avian Influenza (HPAI) sa karatig lalawigan ng Camarines Norte, tiniyak ng AVO na walang kaso ng bird flu sa anumang bayan o lungsod sa Albay.
Ayon kay Dr. Manny G. Victorino, Animal Health & Regulatory Division Head ng AVO, hindi pa kailanman nagkaroon ng rekord ng kaso ng bird flu sa lalawigan, at nais nilang mapanatili ito. Aniya, patuloy nilang binabantayan ang sitwasyon upang matiyak na hindi makakapasok ang sakit sa lalawigan.
Bilang tugon sa sitwasyon sa Camarines Norte, naglabas ng Executive Order si Albay Acting Governor Baby Glenda Ong-Bongao na nagbabawal sa pag-angkat ng mga buhay na ibon at mga produktong manok mula sa naturang lalawigan. Kasama sa ban ang mga sariwa at frozen na karne, itlog, sisiw, at mga processed poultry products.
Bilang bahagi ng mga hakbang upang mapigilan ang pagpasok ng bird flu, may mga checkpoints na itinatag sa mga entry points ng Albay, at hinihikayat ang mga lokal na pamahalaan na mag-report ng anumang hindi pangkaraniwang sakit o pagkamatay ng mga hayop.
Patuloy ang AVO sa kanilang pagbabantay at umaasa sa kooperasyon ng mga Albayano, lalo na ang mga nag-aalaga ng manok, upang matiyak na mananatiling ligtas ang buong lalawigan mula sa bird flu. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay