Naging madamdamin ang tagpo sa loob ng Correctional Institution for Women (CIW) sa Mandaluyong City matapos makasama muli ni Mary Jane Veloso ang kaniyang mga magulang at dalawang anak.
Dali-daling tumakbo sina Mark Darren at Mark Daniel Candelaria nang makita ang kanilang ina nang lumabas ito matapos sumailalim sa medical check-up.
Una rito, dumaing ng pagkahilo at pagsusuka si Mary Jane pagdating nito sa Correctional mula sa NAIA Terminal 3.
Ayon kay DOJ Undersecretary Raul Vasquez, bibigyan ng mahabang panahon si Mary Jane upang makasama ang kaniyang pamilya ngayong araw na ito.
Samantala, inihayag naman ni BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. na pag-aaralan nila kung pasok si Mary Jane Veloso sa Good Conduct Time Allowance (GCTA).
Ani Catapang, kabilang sa kanilang titingnan ang naging ‘behavior’ at conduct ni Veloso sa Indonesia sa nakalipas na 14 na taong pagkakakulong nito roon.
Para maging kuwalipikado sa GCTA, sinabi ni Catapang na kinakailangang nakapagsilbi na ang isang Person Deprived of Liberty (PDL) ng 20 taong pagkakakulong.
Ginagamit ang GCTA computation upang mapalaya ng maaga ang isang PDL depende sa kaniyang asal sa loob ng piitan.
Samantala, sinabi ni Catapang na mayroong lima hanggang sampung libong PDL ang inaasahang makalalaya ngayong taon dahil sa GCTA. | ulat ni Jaymark Dagala