Malaking tulong sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga magsasaka ang bagong diversion road na ipinagawa ng Department of Public Works and Highways Region-9 (DPWH-9) sa Barangay Culasian, sa bayan ng Titay, sa lalawigan ng Zamboanga Sibugay.
Ang naturang kalsada ay nagkakahalaga ng ₱70-M, kung saan ang pondo ay hinango mula sa General Appropriations Act (GAA) 2023.
Ayon kay Engr. Cayamombao Dia, regional director ng DPWH-9, ang diversion road ay sumusuporta sa rural development sa bayan ng Titay at sa mga barangay na dinadaanan nito.
Naging maayos na rin aniya ang biyahe ng mga magsasaka na maghahatid ng kanilang mga produkto sa mga malalaki at makabuluhang merkado sa lalawigan.
Ang konstruksyon ng 237 lane meters na kalsada ay pinangasiwaan ng DPWH Zamboanga Sibugay 2nd District Engineering Office.
Dagdag ni Director Dia, natugunan ang matagal nang problema ng mga magsasaka tuwing maghahatid sila ng kanilang mga produkto sa merkado.
Kasama sa konstruksyon ng kalsada ang mga pipe culvert, stone masonry, grouted riprap, reflectorized thermoplastic pavement markings, at metal guardrails para sa kaligtasan ng mga motorista.
Ayon kay Dia, ang kalsada ay magiging instrumento para sa kaunlaran ng lokal na ekonomiya ng Barangay Culasian at mga karatig na lugar. | ulat ni Lesty Cubol | RP1 Zamboanga