Kinastigo ng ilan sa House leaders ang pagbibigay prayoridad ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa investments kaysa sa healthcare services nito.
Ayon kay House Committee on Good Government and Public Accountability Chair Joel Chua, nakakabahala na ginagamit pala ang mga hindi nagamit na subsidiyang ibinigay ng gobyerno sa investments, imbes na gamitin para sa serbisyong pangkalusugan.
Batay sa paglalahad ni PhilHealth President Emmanuel Ledesma Jr. hanggang nitong October 2024, may P150 billion surplus, P281 billion na reserves, at investment portfolio na halos P489 billion ang ahensya.
“Ibig sabihin ‘yung subsidy na supposedly ay binibigay ng gobyerno na tulong para magamit sa healthcare ay naipapasok sa investment, hindi sa healthcare?” tanong ni Chua.
Kinumpirma naman ni PhilHealth Chief Financial Officer Renato Limsiaco, na oras na masakop na ang benefit payments at inililipat na ang surplus fund sa investment.
“Once pwede na tayo, nabayaran na natin ang benepisyo, the excess money ay pinapasok natin sa investment,” paliwanag ni Limsiaco.
Hirit ni Chua, kailangan baguhin ng PhilHealth ang focus nito at imbes na sa pamumuhunan at ituon ito sa healthcare.
“Masyado tayong naka-focus sa investment aspect eh medyo ang serbisyo natin dito sa healthcare medyo hindi na natin naaasikaso. Healthcare benefit, instead sa investment. Dito ang investment natin buhay ng tao,” giit ni Chua.
Kinuwestiyon din ni Antipolo City 2nd District Rep. Romeo Acop, ang lumulobong investment income ng PhilHealth na mula P11.5 billion noong 2022 ay umakyat sa P20.7 billion nitong 2023.
“Ang utak po ninyo ay investment, hindi po service. You’re becoming a business enterprise, not a service enterprise,” ani Acop
Partikular na pinuna ni Acop ang tumataas na time deposit at government bonds ng ahensya.
Mula aniya noong 2022 na may halagang P126.4 billion ay lumobo ito sa P135 billion nitong 2023.
Habang ang investment sa government bonds ay umakyat na sa P331.6 billion mula sa dating P270.7 billion.
“Your investment in time deposits local currency amounts to P135 billion in 2023, while in 2022 it was P126.4 billion. Now investment in government bonds… from P270.7 billion to P331.6 billion. Ang lalaki!” sambit ni Acop.
Bilang tugon, inamin ni Ledesma na maaaring kailangan nga nila baguhin ang kanilang mga polisiya. | ulat ni Kathleen Forbes