Umaasa si Senate President Chiz Escudero na mangyayari rin sa iba nating kababayang may parehong sitwasyon kay Mary Jane Veloso sa iba pang parte ng mundo, ang matagumpay na pagpapauwi sa kanya dito sa bansa.
Ayon kay Escudero, dapat na itong magsilbing wake up call sa lahat na tutukan ang kapakanan ng mga Pilipinong may parehong sitwasyon ni Veloso, na nahaharap sa death row o may kaso sa ibang bansa.
Giit ng senate president, ang nangyari kay Veloso ay patunay na totoong pinahahalagahan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at ng pamahalaan ang mga OFW.
Dapat lang aniyang iparamdam sa mga kababayan natin sa ibang bansa, na nakasuporta at nakahandang tumulong sa kanila ang ating pamahalaan.
Hindi lang aniya ito trabaho ng Department Migrant Workers (DMW) kung hindi maging lahat ng mga embahada at konsulado ng Pilipinas sa iba’t ibang mga bansa sa mundo.
Kasabay nito, nanawagan si Escudero sa Department of Foreign (DFA) na gumawa ng inventory ng mga Pinoy na nakakulong sa ibang bansa, alamin ang kanilang kaso, ano ang posibleng maitulong sa kanila ng pamahalaan para makalaya at paano sila at kanilang pamilya matutulungan habang sila ay nakakulong.
Minumungkahi rin ng senador, na pag-aralan at magsulong ng tratado tungkol sa prisoner swap sa mga bansang may mga Pinoy na nakakulong. | ulat ni Nimfa Asuncion