Pormal nang naiakyat ng Quad Committee sa plenaryo ang progress report ng kanilang labing tatlong pagdinig kaugnay sa isyu ng iligal na kalakaran ng droga, operasyon ng iligal na mga POGO at extra judicial killings.
Sa 43 pahina na progress report, inirekomenda ang pagsasampa ng kaso ng paglabag sa RA 9851 Sec 6 dahil sa crimes against humanity.
Kasama sa mga pinakaksuhan sina dating Pang. Rodrigo Duterte, Sen. Bato Dela Rosa, Sen. Bong Go, dating PNP Chiefs Oscar Albayalde at Debold Sinas, Col. Royina Garma, Col. Edilberto Leonardo at Irmina ‘Muking’ Espina.
Pinakakasuhan din sina dating Pang. Duterte, Garma, Leonardo, SPO4 Arthur Narsolis at Supt. Gerardo Padilla kaugnay naman sa pagkamatay ng tatlong Chinese drug suspects sa loob ng Davao Prison Penal Prison.
Hiwalay na kaso rin ang inirekomenda ng komite para kina Garma, Leonardo, Col. Santie Mendoza, Nelson Mariano, PSMS Jeremy
“Toks” Causapin, at isang “Loloy” naman sa pagpaslang kay dating PCSO Corporate Secretary Wesley Barayuga.
Inirekomenda rin ang pagkakaso laban sa mga personalidad na sangkot sa nasabat na 360 kilograms ng shabu sa Mexico, Pampanga na sina Cai Qimeng a.k.a. Willie Ong, Yang Jiazheng a.k.a. Aedy Tai Yang, Mayor Teddy Tumang at lahat ng incorporators ng Empire 999.
Inirekomenda rin ng Quad Committee na maimbestigahan pa ang iba pang indibidwal na isinasangkot sa iligal na kalakaran ng droga batay sa rebelasyon ng resource persons na sina Jimmy Guban at Mark Taguba.
Partikular dito sina Davao City Rep. Paolo Duterte, Nilo Abellera Jr., Paul Gutierrez, Benny Antiporda, Jojo Bacud, isang Tita Nanie at Allen Capuyan.
Gayundin ang iba pang personalidad na sangkot sa iligal na droga kasama sina: Hong Ming Yang a.k.a. Michael Yang, Wei Xiong Lin a.k.a. Allan Lim, Charlie Tan, at Sammy Uy.
Kasama rin ang mga sangkot sa POGO-related illegal activities gaya nina Atty. Herminio Harry Roque, Jr., Katherine Cassandra Li Ong, Guo Hua Ping a.k.a. Alice Leal Guo, Yang Jian Xin a.k.a. Tony Yang, at Hongjiang Yang
Bahagi rin ng rekomendasyon na amyendahan ang mga sumusunod na mga batas:
Anti-Money Laundering Act
Anti-Trafficking in Persons Act
Civil Registry Law
Anti-Dummy Law
Bank Secrecy Law
New Philippine Passport Act
Comprehensive Dangerous Drugs Act
Cybercrime Prevention Act
Tariff and Customs Code
Revised Corporation Code
Local Government Code
| ulat ni Kathleen Forbes