Nanawagan si Senate Committee on Labor Chair Senador Joel Villanueva sa Department of Foreign Affairs (DFA) at sa Department of Migrant Workers (DMW) na patuloy na i-monitor ang mga kaso ng ating mga kababayan na kasalukuyang nasa death row sa ibang bansa.
Ang pahayag na ito ni Villanueva ay kasunod na matagumpay na pagpapabalik-Pilipinas kay Mary Jane Veloso.
Partikular na tinukoy ng senador ang 49 na mga Pilipinong nasa death row sa abroad na dapat aniya silang bigyan ng nararapat na tulong ng pamahalaan ng Pilipinas.
Ayon kay Villanueva, pwede rin itong magbigay-daan para pag-aralan ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ang mga ligal at diplomatikong opsyon, gaya ng posibleng commutation ng sentensya at pagpapahintulot sa kanilang pagsilbihan ang kanilang sentensya dito sa Pilipinas.
Ikinagalak rin ni Senate Committee on Migrant Workers Chair Senador Raffy Tulfo ang naging matagumpay na pakikipag-ugnayan at pakikipagnegosasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., at ating DFA sa gobyerno ng Indonesia.
Pero giniit ni Tulfo na hindi pa dito natatapos ang lahat dahil paalala rin ito na dapat ipagpatuloy at mas paigtingin pa ang pagmo-monitor at pagtutok sa kalagayan ng mga kababayan nating nasa ibang bansa. | ulat ni Nimfa Mae Asuncion