Nakikipag-ugnayan na ang Department of Agriculture (DA) sa Pakistan at India para sa posibilidad na mapalawak ang pag-susuplay nito ng bigas sa bansa.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., nakipag-usap na ito sa Pakistani ambassador para isapinal ang Memorandum of Understanding kung saan hanggang isang milyong metriko tonelada ng bigas ang maaaring ilaan ng Pakistan sa bansa o katumbas ng 25% ng total rice import requirement.
Kasalukuyan ding isinasagawa ang kaparehong negosasyon sa India.
Punto ng kalihim, layon nitong lumikha ng patas na kumpetisyon sa pagitan ng mga bansang pinagkukunan ng bigas ng Pilipinas.
Nakaangkla rin ito sa nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na mapalawak ang pinagmumulan ng bigas ng Pilipinas at tuloy-tuloy pang manatiling abot-kaya ang presyo nito para sa mga mamimili.
Sa kasalukuyan, ang Vietnam ang nangungunang rice supplier ng bansa. | ulat ni Merry Ann Bastasa