Isang linggo bago ang Pasko, nagpaalala si Malabon Mayor Jeannie Sandoval sa bawat mamamayan na gawing ligtas at payapa ang pagdiriwang ng holiday season.
Ayon sa alkalde, nakahanda man ang LGU na agarang rumesponde kung mayroong sakuna o emergency, mas mainam pa rin na mag-ingat at umiwas sa mga kapahamakan.
Pinayuhan nito ang mga residente na i-monitor ang mga kinakain ngayong Holiday Season para masiguro ang kalusugan ng bawat isa.
Nagpaalala rin ang alkalde sa mga motorista na iwasang maglasing upang hindi mapahamak sa kalsada.
Para iwas akyat-bahay at sunog, nagpaalala rin ito sa mga residente na tiyaking nakalock ang lahat ng pinto at bintana ng kanilang mga tahanan at siguruhinh walang mga appliances o kagamitang de-kuryente ang nakasaksak bago umalis.
Samantala, nanawagan din ang Ospital ng Malabon na iwasan ang paggamit ng paputok sa pagdiriwang ng Pasko at Bagong Taon.
Sa halip ay gumamit nalang ng mga alternatibo at mas ligtas na pamamaraan tulad ng mga torotot o panonood ng community fireworks display. | ulat ni Merry Ann Bastasa