Umabot na sa halos ₱5.6 milyon ang halaga ng pinsala sa agrikultura na naitala ng Office of the City Agriculturist ng Bago City, Negros Occidental.
Ito ay kasunod ng muling pagputok ng Bulkang Kanlaon noong nakaraang Lunes, December 9, 2024
Sa tala ng City Agriculturist, umabot sa 175 na magsasaka at 118.27 hektarya ng lupa sa kanilang lungsod ang apektado ng pagputok ng bulkan.
Lumalabas din na ang high value crops (HVC) sector ang nakapagtala ng pinakamataas na halaga ng pinsala na umabot sa ₱3.72 milyon.
Ito ay sinusundan ng rice sector na may ₱1.72 milyong halaga ng pinsala at corn sector na may higit ₱150,000 na halaga ng pinsala.
Ayon kay City Agriculturist-Designate Marvin John Blance, sa ngayon ay patuloy ang kanilang pagpapatupad ng iba’t ibang rehabilitasyon na hakbang.
Dagdag pa ni Blance, may nakastandby na silang organic fertilizers, vegetable seeds, pati na rin mga coffee, banana, at cacao planting materials na maaaring kailanganin ng mga magsasaka sa muling pagtatanim. | ulat JP Hervas | RP1 Iloilo