Dumipensa si Speaker Martin Romuadez laban sa mga kritiko ng pamamahagi ng ayuda ng gobyerno.
Sa kaniyang pangwakas na mensahe bago matapos ang sesyon, iginiit niya na hindi lang basta limos ang ipinapaabot na ayuda ng pamahalaan ngunit bahagi ng kanilang tungkulin na tiyaking walang Pilipino ang malulugmok pa lalo na sa panahon ng krisis.
“To those who doubted the importance of social safety nets, let this be a reminder: ayuda is not charity; it is justice. It is our duty to ensure that no Filipino falls through the cracks, especially in times of crisis,” giit niya.
Bilang mga mambabatas hindi lang, aniya, nila trabaho na gumawa ng batas bagkus ay tiyakin na ang mga batas na ito ay magdadala ng pag-asa at dignidad sa bawat Pilipino.
Handa rin, aniya, ang administrasyon na ipakita ang mga resibo kung saan napunta ang bawat sentimo na ginamot sa tulong pinansyal.
Punto pa niya, hindi Kongreso ang nagpapatakbo sa mga programa bagkus at ang mga departamento gaya ng DSWD, DOLE, at DOH.
“Sa mga kontra sa ayuda, handang ipakita ng administrasyong ito kung saan napunta ang bawat sentimong inilaan para rito. Ang may hawak ng pondo, ang mga departmento tulad ng DSWD, DOLE at DOH. Sila ang nagpapatakbo ng programa, hindi ang Kongreso,” giit niya.
Sinabi pa ni Romualdez na lahat ng tulong na ito ay may totoong benepisyaryo at wala ring Notice of Disallowance mula Commission on Audit.
“Lahat ng programang ito ay may totoong benepisyaryo. May totoong resibo. Walang notice of disallowance mula sa Commission on Audit. Ang trabaho ng Kongreso: tiyakin ang pondo rito at masiguro na nakakarating nang maayos sa mga benepisyaryo,” dagdag pa niya. | ulat ni Kathleen Jean Forbes