Naglabas ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng pinasimpleng panuntunan para sa pagpapatupad nito ng Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) na programang nakalaan sa mga mababa ang kita at mga minimum wage earners.
Ayon kay DSWD Spokesperson Assistant Secretary Irene Dumlao, mas inclusive ang programa sa ilalim ng bagong guidelines sa Memorandum Circular (MC) No. 30, Series of 2024 na pinirmahan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian.
Sa ilalim nito, pinadali na ang listahan ng documentary requirements at verification process sa eligibility ng bawat benepisyaryo.
Kabilang dito ang duly signed Contract of Employment; Certificate of Employment with Compensation (COE); Income Tax Return (ITR) o BIR Form 2316; duly signed Audited Financial Statement, o Certificate of Tax Exemption.
Para naman sa mga benepisyaryo mula sa informal sector, kailangang magsumite ng certification mula sa direct employer; at government offices na kumikilala sa sektor; association certification; business permit o barangay certification para sa small business owners.
Kabilang sa mga tulong na alok sa ilalim ng AKAP ang Medical assistance, Funeral assistance, Food assistance at Cash relief.
Maaari rin itong ipatupad sa tulong ng LGUs bilang Rice Assistance na maaaring gamitin ng mga benepisyaryo para bumili ng bigas. | ulat ni Merry Ann Bastasa