Hindi na aabot pa bago ang Araw ng Pasko ang paglagda sa 2025 pambansang budget na aabot sa mahigit na anim na trilyong Piso.
Sa ambush interview kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ay inihayag nitong masusi pa nilang sinisilip ang detalye ng proposed budget lalo na sa aspeto ng tinatawag na insertion o mga proyektong idinagdag sa proposed budget
Paliwanag ng Pangulo, hindi naman kasikasama sa orihinal na budget request ang insertion kayat dapat na ma assess maigi ang mga proyektong idinagdag na mapondohan sa susunod na taon.
Kaugnay nito ay inihayag ng Pangulo na sa katunayan ay may nakita na silang budget proposals na walang sapat na documentation.
Pagbibigay diin ng Chief Executive, kailangang maging maingat sa magiging alokasyon ng pondo lalot bahagi ng pambansang budget ay utang kayat dapat lang na magamit ng tama ang inihahandang pera na gagamitin sa 2025. | ulat ni Alvin Salazar