Inihain ngayong araw ang ikatlong impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte.
Binubuo ito ng 12 complainant na pawang mga pari at abogado.
Partikular ang mga pari mula sa Dioces of Novaliches, Order of Carmelites at Congregation of the Mission at mga abogado mula sa Union of People Lawyers mula Mindanao.
Ayon kay Atty. Amando Ligutan, na kumatawan sa mga complainant sa paghahain, ang ground for impeachment ay betrayal of public trust dahil na rin ito sa pagkakasangkot anila sa bribery, plunder, graft and corruption malversation at technical malversation.
Batay na rin ito sa lumabas sa imbestigasyon ng House Committee on Good Government and Public Accountability, kung saan nagkaroon ng maling pamamahala ng confidential funds ang bise presidente.
Kasama rin dito ang anila’y paggamit ng mga pekeng pangalan ng personalidad sa isinumiteng mga acknowledgement receipt.
Sina Camarines Sur Representative Gabriel Bordado at AMBIS OWWA Party-list Rep. Lex Anthony Collada ang nag endorso ng reklamo.
Giit ni Ligutan, hindi na lang ito basta constitutional obligation bagkus ay moral obligation na aniya ng mga mambabatas na i-impeach ang kasalukuyang bise presidente.
Sa hiwalay naman na pahayag ni Fr. Joselito Sarabia, isa sa complainants, naniniwala silang may nagawang iligal at immoral ang bise laban sa mga Pilipino.
“We believe VP Sara committed something illegal and something immoral against the Filipino people for us thou shall not kill thou shall not steal thou shall not bear false witness” ani Sarabia. | ulat ni Kathleen Forbes