Ikinakasa na ng Office of Civil Defense Region 5 ang malawakang paglilikas sa mga residenteng nakapalibot sa bulkang Mayon.
Ayon sa OCD Regional Office 5, ito ay dahil sa inaasahang matinding epekto ng pag-ulan dala ng Low Pressure Area na dating Tropical Depression Querubin, gayundin ng ‘shear line.’
Ayon sa PAGASA, bagaman humina ang binabantayang sama ng panahon, hindi pa rin inaalis ang posibilidad na muling lumakas ito at patuloy na magpapaulan sa mga susunod na araw.
Kaya naman sinabi ni OCD Bicol Director Claudio Yucot na patuloy nilang binabantayan ang sitwasyon sa paligid ng bulkang Mayon dahil ayon sa mga eksperto, maaaring rumagasa ang lahar kung aabot sa 60mm kada oras ang mararanasang pag-ulan doon.
Dahil dito, puspusan na ang ugnayan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga lokal na pamahalaan sa paligid ng bulkan upang iligtas ang mga residente rito sa tiyak na kapahamakan.
Ganito rin ang ginagawang aksyon ng pamahalaan sa mga residente ng Negros Island bunsod ng patuloy ding pag-aalburoto ng bulkang Kanlaon. | ulat ni Jaymark Dagala