Nilinaw ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na nasa ilang libong piso na lang ang gagastusin nila sa pagdiriwang ng 30th Anniversary ng kanilang ahensya.
Ginawa ni PhilHealth President and CEO Emmanuel Ledesma Jr. ang paglilinaw matapos sitahin ng mga senador sa pagdinig ng Senate Committee on Health ang lumabas na impormasyong aabot sa 138 million pesos ang gagastusin ng korporasyon sa kanilang anniversary celebration.
Ibinahagi ni Ledesma na ang lumabas na dokumento tungkol sa 138 million budget para sa kanilang anniversary ay proposal pa lang ng ‘anniversary committee’ sa loob ng kanilang opisina.
Gayunpaman, hindi ito inaprubahan ng board.
Inatasan naman ni Senadora Loren Legarda sa sinasabing PhilHealth anniversary committee, na magsumite ng memo sa Senate Health Committee kung paano nabuo ang ideya na gumastos ng 137.7 million pesos. | ulat ni Nimfa Asuncion