DILG, nagpaalala sa mga LGU na ipatupad ang OPLAN LISTO Protocols sa paparating na bagyo

Facebook
Twitter
LinkedIn

Pinaalalahanan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang mga local government unit na maghanda sa inaasahang paglakas ng southwest monsoon o habagat na siyang magdadala ng pag-ulan dahil sa patuloy na paglapit ng bagyong Betty sa bansa.

Sinabi ni DILG Secretary Benhur Abalos Jr. na hindi lang si Betty ang dapat paghandaan ng mga LGU at ng mamamayan kung hindi pati ang habagat na magdadala ng malalakas na pag-ulan at pagbaha.

Ayon kay Abalos, may protocols na dapat sundin ang mga LGU tuwing may bagyo na nakapaloob sa Operation Listo manual.

Kabilang dito ang pagtiyak na operational at kumikilos ang kani-kanilang Emergency Operations Center para sa paghahanda at pagtugon sa mga emergency dulot ng bagyo.

Ipinag-utos din ng kalihim ang agarang pagtatalaga ng posibleng evacuation centers at pagsasagawa ng preemptive evacuation para sa mga naninirahan sa mga lugar na itinuturing na danger zones.

Para naman sa mga coastal at island barangays, nanawagan si Abalos na tutukan ang lagay ng panahon at ipagbawal na ang pangingisda at paglalayag kung kinakailangan.

Pinaalalahanan din ng kalihim ang publiko na patuloy na maging alerto hinggil sa sama ng panahon. | ulat ni Rey Ferrer

Radyo Pilipinas

Radyo Pilipinas is the flagship government AM radio station of the Philippine Broadcasting Service (PBS), which is under the Presidential Communications Operations Office (PCOO) of the Office of the President, Republic of the Philippines. Its frequency is 738khz on the Philippine AM band.

Recent Posts

Follow Us