Handa ang National Housing Authority (NHA) na asistehan ang mga pamilyang maaapektuhan ng bagyong Betty.
Sinabi ni NHA General Manager Joeben Tai na kanya nang inatasan ang regional at district managers na maging handa sa pananalasa ng super typhoon.
Nagbigay din siya ng direktiba na i-monitor ang lahat ng housing project sites at tiyaking alam ng mga benepisyaryo ang paparating na kalamidad.
Aniya, kailangang mabigyan agad ng tulong ang mga benepisyaryo na lubhang tatamaan ng bagyo.
Sinabi pa nito na may 900 relocation sites ang NHA na kayang tumugon sa mga magsisilikas dulot ng pananalasa ng bagyo.
Bukod sa relocation assistance, magkakaloob din ang NHA sa calamity victims ng Emergency Housing Assistance Program na makakatutulong sa kanila na maitayo muli ang kanilang bahay at makapagsimula ng bagong buhay. | ulat ni Rey Ferrer