Isinagawa kahapon ang unang araw ng pagpapatupad ng LTO Bicol ng “Oplan Biyaheng Ayos: Pasko 2024.”
Ayon sa LTO Bicol, alinsunod ito sa direktiba ni Assistant Secretary Vigor D. Mendoza II na ipatutupad ng LTO ang DOTr-LTO Oplan Biyaheng Ayos: Pasko 2024, at layunin nitong matiyak ang kaligtasan, seguridad, at pagsunod sa mga batas ng transportasyon ngayong panahon ng Pasko at Bagong Taon.
Pinangunahan ni RD Francisco P. Ranches Jr., CESO VI, ang pagsasagawa ng lahat ng opisina ng LTO Bicol ng iba’t ibang mga enforcement activities sa buong Kabikulan.
Inatasan din ang mga district at regional law enforcers na magsagawa ng garage at terminal inspections upang masiguro ang roadworthiness ng mga biyaheng PUV.
Kasabay nito, nagbigay din ng tulong at assistance ang mga enforcer sa lahat ng motorista, maging ang iba pang mga road users.
Nagsagawa rin ang LTO Bicol ng roadside inspection kasama ang ibang ahensya tulad ng PNP at HPG, at ng road safety awareness campaign sa pamamagitan ng pamimigay ng mga flyer at pagsagot sa mga tanong ng mga motorista.
Magpapatuloy ang Oplan Biyaheng Ayos Pasko 2024 ng ahensya hanggang ika-6 ng Enero ng susunod na taon, 2025. | ulat ni Paul Hapin | RP1 Albay