Bandang alas-10:30 ng umaga ngayong araw, December 20, 2024, isang 10-wheeler truck na may kargang 2.3 tonelada ng dog food ang naaksidente sa bahagi ng lubog na kalsada sa Bulawan, Lupi. Habang iniiwasan ng driver ang tambak ng alikabok at mga bato na inilagay para sa stabilisasyon ng lupa sa lugar na may lubog na kalsada, sumadsad ang trak sa shoulder ng kalsada at nagdulot ng matinding trapiko.
Agad rumesponde ang Philippine National Police (PNP) sa insidente at gumamit ng payloader upang alisin ang mga nakaharang na debris. Kasama rin sa operasyon ang mga Regional Enforcers ng Land Transportation Office (LTO) at LTO Ragay team para sa pamamahala ng trapiko at seguridad ng mga motorista.
Matapos ang pagtutulungan ng dalawang ahensya, nalinis ang kalsada at agad na naibalik sa normal ang daloy ng trapiko. Patuloy namang mino-monitor ng mga awtoridad ang lugar upang maiwasan ang mga kahalintulad na insidente at masigurado ang kaligtasan sa kalsada. | ulat ni Paul Hapin | RP1 Albay