Photo courtesy of Health Sec. Ted Herbosa
Binuksan na ng Department of Health ang kauna-unahang wellness center na inilagay sa loob mismo ng mall.
Matatagpuan ito sa Government Service Center ng SM Mall of Asia sa Pasay City.
Ayon kay DOH National Capital Region Director Rio Magpantay, bukas ang wellness center na ito sa lahat.
May mga naka-duty din ditong doktor at nurse. Libre magpa-check-up rito at may mga libreng gamot rin.
Kung kinakailangan magpatingin sa ospital, bibigyan naman ng referral ang pasyente.
Ayon kay Magpantay, ang Pasay City General Hospital ang kanilang katuwang na ospital dahil ito ang pinakamalapit sa nasabing wellness center.
Dahil bago pa lang, sa mga nasa edad 20 pataas muna ang seserbisyuhan ng DOH Wellness Center na ito.
Target nilang makapagbigay-serbisyo sa 100 pasyente kada araw.
Bukas ito mula Martes hanggang Sabado mula 10 am hanggang 7pm. | ulat ni Lorenz Tanjoco