Kasado na ngayong araw ang engrandeng Parade of the Stars ng Metro Manila Film Festival (MMFF) sa lungsod ng Maynila bilang bahagi ng ika-50 anibersaryo ng festival.
Simula alas-3:00 ng hapon, isasagawa ang parada mula Kartilya ng Katipunan, daraan sa mga pangunahing kalsada gaya ng P. Burgos, Jones Bridge, Tayuman, España, at Roxas Boulevard, bago magtapos sa Manila Central Post Office.
Sampung opisyal na pelikula ang itatampok sa parada, kasama ang makukulay na floats at mga paboritong artista mula sa mga pelikulang gaya ng “And the Breadwinner is…” at “Isang Himala”.
Ayon kay MMFF Concurrent Chairman Atty. Don Artes, nasa 3,000 tauhan mula sa MMDA, Manila City Government, at PNP ang idedeploy upang tiyaking ligtas at maayos ang aktibidad.
Pansamantalang isasara ang ilang kalsada mula tanghali hanggang alas-8 ng gabi. Pinapayuhan ang mga motorista na gumamit ng alternatibong ruta upang maiwasan ang abala.
Para sa fans, magkakaroon naman ng meet and greet at music festival sa dulo ng parada. | ulat ni EJ Lazaro