Nanawagan si Senate Committee on Health Chairperson Senador Christopher ‘Bong’ Go sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) na tiyakin na magpapatuloy ang medical assistance kahit ngayong holiday season.
Ginawa ng senador ang pahayag matapos ang report na naglabas ang DSWD ng deadline para sa issuance ng guarantee letters (GLs) nitong December 13.
Giit ni Go, wala dapat deadline o cut-off para sa pagtulong sa ating mga kababayan dahil hindi naman napipili kung kailan magkakasakit.
Una nang tiniyak ng DSWD sa pagdinig sa Senado na ang itinakda nilang deadline ay hindi nangangahulugang tigil na rin ang medical assistance pagkatapos nito.
Ayon kay amAssistant Secretary Ulysses Aguilar, ang cut-off ay para lang sa pagproseso ng mga GL (guarantee letter), na bahagi lang ng yearly clearing process for payments ng ahensya.
Binigyang-diin ni Aguilar na kahit suspendido muna ang pagbibigay ng GL ay magpapatuloy naman ang pagbibigay ng medical support ng DSWD sa pamamagitan ng kanilang satellite offices.
Ipoproseso rin aniya agad ng ahensya ang promissory notes ng mga pasyente sa Enero.
Hinimok rin naman ni Go ang DSWD na makipag-coordinate sa mga ospital para tanggapin ang promissory notes habang suspendido pa ang mga GL. | ulat ni Ninfa Mae Asuncion