Nagpaalala ang Eastern Police District (EPD) sa mga nasasakupan nito na mabigat na parusa ang nag-aabang laban sa sinumang mahuhulihang nag-iingat ng mga iligal na paputok.
Ginawa ng EPD ang paalala kasabay ng paglulunsad nila ng OPLAN Bandilyo simula ngayong Pasko hanggang sa sumapit na ang Bagong Taon.
Ayon kay EPD Acting District Director, PCol. Villamor Tuliao, bukod sa mga lugar ng pagtitipon, mahigpit din nilang binabantayan ang mga komunidad, lalo na ang mga pasaway na gumagamit pa rin ng iligal na paputok.
Nabatid na nasa 1,000 tauhan ng EPD ang ipinakalat sa mga matataong lugar, partikular na ang mga simbahang, pasyalan, at pamilihan, katuwang ang force multipliers mula sa iba’t ibang ahensya at lokal na pamahalaan.
Pagtitiyak pa ng opisyal, may nakalatag na Police Assistance Desk sa mga lugar na kanilang binabantayan at nakahandang tumugon sa sandaling kailanganin. | ulat ni Jaymark Dagala