Isang makapal na ulap ang natakpan ang Bulkang Mayon, na nagdudulot ng madilim na kalangitan at nagbabadyang malalakas na pag-ulan sa buong lalawigan ngayon, December 23, 2024. Ayon sa mga residente, ang mga ulap na ito ay indikasyon ng masamang lagay ng panahon dulot ng shear line at ang direktang epekto ng Bagyong Romina.
Inaasahan ng PAGASA na magpapatuloy ang katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa Albay. Magiging hamon ito para sa mga residente ng nasabing lugar, partikular na ang mga nasa mabababang lugar at matatarik na bahagi ng lalawigan, na maaaring makaranas ng pagbaha at landslides.
Patuloy na binabantayan ng mga lokal na awtoridad at ahensya ng gobyerno ang sitwasyon upang tiyakin ang kaligtasan ng mga mamamayan at maiwasan ang anumang sakuna. Ang Albay Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (APSEMO) ay nagbigay ng mga gabay sa mga lokal na pamahalaan upang maghanda at mag-monitor ng mga kondisyon sa kanilang nasasakupan.
Pinayuhan din ang mga Barangay Disaster Risk Reduction and Management Councils (BDRRMCs) na magpatupad ng mga hakbang tulad ng pagbabawal sa pagtawid sa mga ilog at paghihigpit sa pagbiyahe sa mga delikadong kalsada upang maiwasan ang mga aksidente dulot ng flash floods at landslides.
Ang mga Local Government Units (LGUs) ay inatasang maging handa sa pag-aasikaso ng mga lokal na evacuation at paghahanda sa mga posibleng kalamidad na dulot ng masamang panahon. | ulat ni Garry Carl Carillo | RP1 Albay