Inihain ni Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña ang isang panukala na layong magpatupad ng mas mahigpit na protocols sa kalsada para sa sa mga driver na lasing o nakainom.
Sa ilalim ng House Bill 11220 o ang Anti-Impaired Driving Act of 2024, inaatasan ang toll operators at local traffic enforcement officers na magsagawa ng breath analyzer tests upang maiwasan ang mga nagmamaneho nang lasing.
Sa paraang ito matitiyak aniya ang kaligtasan ng lahat dahil kahit “tipsy” pa lang ay hindi na dapat nagmamaneho lalo na ngayong sunud-sunod ang holiday parties.
Ikinabahala ng mambabatas ang datos kung saan halos one-third ng mga namatay sa vehicular accidents ay dulot ng alak.
Mula 2015 hanggang 2019, 5,213 sa kabuuang 18,735 na namatay sa road crashes ay may kinalaman sa alak.
Nakapaloob din sa panukala na ang mahuhuling nakainom at nakadisgrasya ngunit hindi nagresulta sa serious physical injuries o homicide at mahaharap sa parusang isang taong pagkakakulong at multa mula 50,000 hanggang 100,000 pesos.
Kapag may namatay, reclusion temporal ang magiging parusa at magmumulta ng hanggang isang milyong piso.
Kasabay nito hinikayat ni Cendaña ang mga establisimyento na magpatupad ng inisyatiba gaya ng pagtatalaga ng magmamaneho kapag tipsy o nakainom na ang assigned drivers. | ulat ni Kathleen Forbes