Nanawagan ang anim na district representatives ng Maynila sa CHED na i-reumburse na ang nasa P340 million na halaga ng scholarship na ipinagkaloob Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) sa mga estudyante sa ilalim ng Unified Student Financial Assistance System for Tertiary Education (UniFAST) program.
Sa ilalim ng House Resolution 2126, hinihimok ang CHED na bayaran ang PLM gamit ang bago nitong rates ng school fees sa pagsisismula ng Academic Year 2023-2024.
Itinaas na anila ng PLM Board of Regents ang tuition rate nito sa P293 per unit sa P1,200 per unit matapos ang limang taong moratorium na nakasaad sa batas.
Giit ng mga mambabatas, tumalima ang PLM sa UNIFAST Law o RA 10931 at CHED Memorandum Order No. 3, series of 2012.
Diin pa ni Manila 2nd district Rep. Rolando Valeriano dalawang school years na ang lumipas ngunit naghihitay pa rin sila ng tugon mula sa CHED at UNIFAST.
Kung hindi makapag reimburse, wala na anilang sapat na pondo ang pamantasan para mag-operate ng lagpas sa June 2025.
Kaya naman umaasa sila na maaksyunan na ito agad ng ahensya para sa kapakanan ng 13,000 na mag-aaral ng pamantasan at 600 na kawani nito. | ulat ni Kathleen Forbes