Pinatunayan ng National Bureau of Investigation o NBI na mas matimbang ang kapakinabangan ng nakararami kumpara sa panandaliang kasiyahan.
Ito ang mistulang mensahe ng NBI sa kanilang ginawang “Butil at Tuwang Handog ay Pag-asa” event na isinagawa sa kanilang tanggapan sa lungsod ng Pasay.
Dito, pinangunahan ni NBI Direktor Jaime Santiago ang pagdo-donate ng bigas at mga laruan sa DSWD na siya namang mangangalaga nito sa pagbibigay sa mga biktima ng bagyo.
Ayon kay Santiago, nakikiisa ang buong NBI sa bayaning Pilipino sa panahon ng sakuna, at ang nasabing donation drive ay patunay aniya ng kanilang pakikiisa sa mga komunidad na nagtatrabaho para muling makabangon.
Nakatakda sanang ganapin ang Christmas party ng NBI sa PICC, subalit bunsod ng panawagan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na huwag maging masyadong magarbo ang mga Christmas parties ngayon dahil sa sunod-sunod na bagyo, ay agad namang tumalima dito ang NBI. | ulat ni Lorenz Tanjoco